Gintong Aral


Ang Magkapatid

Sina Lito at Mario ay magkapatid, Panganay si Mario at bunso naman si Lito. Ang magkapatid ay parehong may sinasakang bukid. Pamana sa kanila ng yumaong mga magulang ang kani-kanilang bukid na tinataniman nila ng palay. Pareho silang maraming inaning palay. Inimbak nila sa kanilang kamalig ang kanilang mga ani.

Habang nakahiga ng gabing iyon si Lito ay naisip niya ang kapatid na si Mario. May asawa ito at tatlong anak. Siya naman ay binata. naisip niyang mas kailangan ni Mario ang maraming palay. Kumuha siya ng isang kabang palay sa kanyang kamalig at palihim niyang dinala iyon sa kamalig ni Mario.

Si Mario naman ay nag-iisip din ng gabing iyon. Naisip niyang kawawa naman ang kanyang kapatid na si Lito dahil walang asawa at mga anak na titingin dito. Naisip niyang bigyan ito ng palay. Kumuha siya ng isang kaban sa kanyang kamalig palihim niyang dinala iyon sa kamalig ni Lito.

Nagtaka si Lito ng bilangin niya ang natirang palay sa kanyang kamalig. Parang hindi nabawasan. Ganoon din si Mario. Wala din bawas ang kanyang aning palay sa kanyang kamalig. Kaya ng gabing iyon, muli siyang nagdala ng isang kaban sa kamalig ni Lito. Ganoon din naman ang ginawa ni Lito, nagdala ito ng isang kaban sa kamalig ni Mario. At pareho silang nagtaka nang sumunod na araw na bilangin nila ang kanilang palay sa kamalig. Parehong walang bawas ang mga iyon.

Nang sumunod pang gabi ay pareho silang bumuhat ng tig-isang kaban para dalhin sa kamalig ng bawat isa. Hindi sinasadyang magkasalubong sila. Nagkagulatan ang magkapatid. Hindi na sila nagtanong sa isa't-isa kung saan dadalhin ang pasan nilang palay.

"Kuya", bulalas ni Lito at wala nang nasabi.

"Lito, kapatid ko!" sambit naman ni Mario at wala naring nasabi.

Yumakap sila sa isa't-isa. Nag-uumapaw ang pagmamahal sa kanilang mga puso.