Emilio Jacinto

(1875-1899) Utak ng Katipunan

Si Emilio jacinto ay isinilang noong Disyembre 15, 1875 sa Trozo, Maynila. Ang mga magulang niya ay sina Mariano Jacinto at Josefa Dizon na isang midwife or hilot.

Mahirap lamang ang kanyang mga magulang. Nakapag-aral lang siya sa San Juan de Letran sa tulong ng isang tiyuhin. Nag-aral din siya sa Unibersidad ng Santo tomas kung saan kumuha siya ng abogasya. Doon ay naging kamag-aral niya sina Osmena, Quezon at Sumulong.

Taong 1894 ay sumapi siya sa Katipunan. Labing-siyam na taong gulang siya noong at siya ang pinakabatang kasapi ng samahan. Mula sa una niyang pakikipaglaban sa Balintawak at Pasong Tamo ay pinagkatiwalaan at hinirang siya ni Andres Bonifacio bilang heneral sa hukbo ng Katipunan sa parteng hilaga. Isa siyang dalubhasang manunulat. Marami ang nagsabi na nahigitan pa niya si Bonifacio. Sapagkat hindi ang Dekalogo ni Bonifacio ang ginamit ng Katipunan kundi ang sinulat niyang 'Kartilya', nakapaloob dito ang mga turo ng KKK. Dahil dito kinilala siyang "Utak ng Katipunan at Himagsikan".

Nagkahiwalay sila ni Bonifacio ng sumiklab ang himagsika. Isang taon pagkaraang mapatay si Bonifacio, nasugatan si Emilio Jacinto sa Labanan at nadakip siya ng mga kaaway. Ito ay noong Pebrero 1898, ngunit nakatakas siya at nagtungo siya sa Maynila.

Ipinasiya niyang bumalik muli sa Laguna at doon ipinagpatuloy ang kanayng pakikibaka, subalit nagkasakit siya. Noong Abril 16, 1899 namatay siya sa sakit na malaria. Ang kanayng mga labi ay nalalagak ngayon sa "Cementerio del Norte sa Maynila.