Marahil iba't-ibang alamat tungkol kay Mariang Makiling ang inyong nabasa. Ito'y isa sa mga matatandang alamat tungkol sa kanya na hindi pa palasak.
Sinabi ng alamat, nang mga araw na yaong ang mga taoy maaaring makipamuhay sa piling ng mga bathala, ay nangyari ang dakilang pag-iibigan nina Mariang Makiling at Gat Dula.
Si Maria ay kaisang-isang anak nina Dayang Makiling at Gat Panahon, na para-parang bathala o engkantado kung sa ngayong pakahulugan. Tanging-tanging mutya ang nabanggit na lakambini sa kanilang tahanan pagka't siyay'y bugtong na aliw ng kanyang ama't ina. Siya ang liwanag ng kanilang paningin; siya ang galak ng kanilang puso; anupa't sa biglang pangungusap, siya ang kayamanang impok ng kanilang buhay. Sa kanilang katandaan, si Maria ang bango at kulay ng mga araw nilang unti-unting nawawalan ng sigla't lakas.
Si Maria'y hindi taga-lupa, bagama't siya'y nakiki-ulayaw sa madlang kinapal. Gaya na nga ng aking na sabi, nang panahong yao'y maaaring makipag-usap ang mga tao sa bathala; maaari silang magkatabi sa lilim ng isang punungkahoy. Maaaring patulong sa kanila ang isang linikhang nasa kagipitan, at ang mga ito naman, kung sadyang taimtim sa loob ang paghiling, ay hindi nagmamaramot. Kung ang pastol ay humihihip ng subing o plauta habang siya'y nagpapalipas ng maligayang sandali sa piling ng mga binabantayang hayop, sa kaginsa-ginsa'y susulpot nalaman gsa kanyang harap ang isang nimpang lipos ng alindog, upang makinig at makihati sa kaligayahan.
Naging ugali na ni Maria, sa araw-araw halos, ang lumuwas sa bayan at mamili sa talipapa. Kaparis ng ibang babae, siya'y nakasuot ng sutlang kung minsa'y may burdang bulaklak at malalapad ang guhit ng siyang kinaugalian nang panahong yaon. Ang kanyang maitim at malagong buhok na kung ilugay ay abot hanggang sakong ay may pahiyas na sariwang bulaklak-suha. Sa kanyang dib-dib ay nakayakap ang mabangong kuwentas ng ilang-ilang. Magiliw siyang mangusap at lipos ng galang. Mahinhing kumilos na wari-bang nahihiya. Bakit ang hawas niyang mukha'y salamin ng kagandahan. Bakit ang kanyang mga mata'y sakdal nang aamo. Maging ang kanyang kapwa babae'y naakit bumati sa kanya. Ang mga maginoo, sa kanya'y nagyuyuko ng ulo.
Si Maria'y laging may kasamang dalawang ita sa kanyang pamimili. Ang mga nasabing utusan ay hindi lumalayo sa likod ng kanilang panginoon. Sa kanilang dalang buslo ay maliwanag na mapapansin ang mga luyang kulay-ginto na pinamamalit ni Maria. Nang panahong yao'y walang kuwaltang katulad ngayon na ating ibinibili ng kailangan. Noon, sa halip na bili ay palitan ang palakad ng bawa't tao. Doon nga sa talipapa nagtutungo ang may kailangan. Sari-saring bagay ang matatagpuan doon. Mga pinatuyong balat ng hayop na may magagandang balahibo. Mga banig na yari sa buli't sa pandang may kulay salit-salit. Mga sutlang habi na may malalapad na guhit ay may patak-patak. At kung anu-ano pang kagamitan sa lob ng bahay ang paninda roon.
May tanging araw na tinatawag nilang pagpapalitan. Sa araw na yaon lumuluwas sa bayan ang maraming tao upang makipamalit. Palibhasa'y hindi luyang talaga ang ipinamamalit ni Maria, kundi tunay na luyang ginto, kung kaya marami ang nagbibili sa kanya ng iba't ibang lako. Kataon namang sa araw na yao'y namamalit si Gat Dula. Bukod sa kanyang ilang kawal na lingkod na kasama'y may kasama pa siyang mga dugong-mahal. Si Gat Dula ay taga-Bai, kaya sa kanilang pagtungo sa bayan ng Makiling ay kinailangan nilang gumamit ng malaking bangka. May kalayuan ang agwat ng dalawang bayang nabanggit. Kaya kung sa mga kangga sila sasakay na hila ng mga kalabaw ay tatanghaliin sila ng pagdating.
Nawiwili ang lahat sa pagpapalitan ng kanilang daladalahan. Kasingkapal ng mga paninda ang tao sa talipapa. Karaniwan nang dayuhin ang tanging araw ng pamamalitang ukol sa bawa't pook. Kaya bukod sa mga sadyang tubo sa Makiling ay may ibang mukhang mapapansin doong nangangalakal. Kabilang sa mga lipingmahal na namamalit ay si Gat Dulang nagpapalipas lamang ng maligayang sandali sa talipapa. Kataon namang nagkasabay ng padampot sina Maria at Gat Dula sa kanilang binibiling balat ng hayop na may magagandang balahibo. Sa gayong pagkakasabay ay nagkabunggo ang kanilang mga balikat, at nagkatama ang kanilang mga mata. Gaanong pagtataka noon ang naghari. Lalo na nang sa disinasadya'y nahawakan ni Gat Dula ang malasutlang daliri ng dalaga. Sandali silang nagkatinginan. Subali't sa taglay na kayumian ni Maria'y nagyuko ng ulo ang makisig na Gat tanda ng paggalang at paghingi ng paumanhin. Bago sila nagkalayo'y isang mahiyaing ngiti ang naitugon ng lakambini sa mapakumbabang patawad po ng binata.
Buhat noo'y naging malimit ang pagdalaw ni Gat Dula sa Makiling. Subali't mula rin noo'y hindi na niya napagmalas ang maalindog na katauhan ni Maria. Hanggang noong makalipas ang ilang panahonng pamumulaklak ng suha, ay saka lamang niya muling napalarang mamasdan sa dating talipapaang luwalhating bumihag sa kanyang pihikang pag-ibig. Gaanong galak niya, at tuloy na ibulong sa kanyang loob: "Ang tiniis kong hirap nang nagdaang mga araw, marahil ngayo'y malulunasan na." Banayad siyang lumapit kay Maria, at nagbigay-galang. Walang kasintamis na ngiti ang isinagot naman sa kanay.
Buhat noo'y naging matalik na silang magkakilala hanggang sa nakaraan ang ilang pagbibilog ng buwan. Sa isang tabi ng batis na umaaliw-iw sa loob ng gubat ay nahiwatigan nilang sa ubod ng puso'y may tinitimpi silang pagmamahal. Ito'y naramdaman nila nang magtamang matagal ang kanilang mga paningin, at hindi maibuka ng kanilang labi ang binibigkas ng dibdib. Sa gayong lihim na pag-iibigan ay nagkayakap ang dati'y magkalayong langit at lupa. Nguni't ang gayong pagsusuyuan, sa nilakadlakad ng mga ataw ay hindi nalihim sa kaalaman ng ama ni Maria.
Sabihin pa ang galit ni Gat Panahon; halos mayanig ang buong lawa nga Bai. Gaanong damdamin ang nilasap ni Dayang Makiling, buhat nang matantong ang bugtong na anak niya'y may kasuyong taga-lupa. Ang puso ng ina, palibhasa'y kadluan ng awa, kung kaya dinakatiis na tanungin si Maria. Madali't salita, dahil sa malabis na pagmamahal ng magulang ay pinagbawalan ang kanilang anak. Sapul noon, hindi na nakapanaog sa lupa si Maria. Pinutol ni Gat Panahon ang pagtungu-tungo ni Maria sa talipapa. Binawi sa kanya ng nagmamalasakit na magulang ang engkanto ng pagiging tunay na kinapal: Yaon ang pinagmulan tuloy ng pagkakahiwalay ng mga bathala at madlang tao.
Subali't kung umibig si Maria'y minsan lamang, at walang kasindakila. Kung siya ma'y hindi na nakapapanaog sa lupa, dahil sa wala na siyang kapangyarihang makihalubilo sa madlang kinapal, sa alaala ni Gat Dula'y hindi nagkukulang ang kanyang pagdalaw. Naroong kung minsa'y pamalas siya sa sandaling nag-iisa ang mabunying Gat, nguni't pag nilapitan nito upang yakapin ay bigla siyang nalalaho. Naroong umawit siya nang lubhang matimyas kung nangungulila si Gat Dula ngutni't pag hinanap nito kung saan nanggaling ang tinig ay hindi naman malaman. Anupa't ang lahat sa binta'y parang panaginip. Walang kasingwagas naman ang pagmamahal ni Gat Dula kay Maria. Ang lahat ng pook at nayong ni yapakan ni Maria, maging ang tabing-batis na madalas nilang pagtagpuan, ay hindi nakaliligtaang dalawin.
Nang panahong yao'y malimit ang pakikipagdigma ng mga bayan sa kapwa-bayan. Di-kataka-takang lusubin ni Lakan Bunto ang kaharian ng Bai na sakop ni Gat Dula. Subali't kung ilang kaharian na ang nakikipaghamok sa matapang na Gat, maano man lamang na mapipilan siya o kaya'y masugatan. Ang dahilan ay sapagka't siya'y tinangkilik ng engkanto ni Maria. Ang adhikaing pag-ibig ng paraluman ay nagiging baluti at kalasag ng mabunying Gat. Marami na siyang napasukong kaharian; marami na siyang napagtagumpayang tabak, nguni't ang hindi lamang niya napasusuko't napagwawagihan ay ang kamandag ng pangungulila sa pag-ibig. Yaon ang dahilan ng kanyang pagkakasakit, hanggang sa siya'y naputulan ng hininga.
Ang sabi ng alamat, hinihiling ni Maria sa Bathalang Maykapal na ang kaluluwa ng kanyang irog ay ibigay sa kanya. Noo'y yumao narin ang kanyang mga magulang kaya't sang-ayon sa sabi sina Maria at Gat Dula ang nag-uwi sa naiwang kayamanan at lupain. Subali't hindinalilimot ni Maria ang pagkamasintahin ng kanyang inang si Dayang Makiling sa lahat ng nasasakupan. Ang pag kamahabagin ni Dayang ay minana ni Maria sa kanyang puso. Sa bawa't bakuran ng bahay ng kanyang mga sakop, gaya rin nang dating ginagawa ng kanyang yumaong ina, ay ibinubudbud niya ang mga luyang ginto. Ang sinumang ikakasal sa walang magamit na magarang kasuutan ay hinahandugan niya. Ang isang mag-anak na maghahanda, nguni't walang magamit na kasangkapan ay kanyang pinahihiram. Ang lahat nang daing at kahilingan ng kanyang mga sakop ay tinutugon niya ng mapagpalang kandili.
Nguni't ang gayong malimit na pagpapahiram ay madalas magbunga ng di-mabuti. Ang karamihan sa tinatangkilik ni Maria'y di-marunong tumingin ng utang na loob. Hanggang sa wakas ay nakaisip ang ibang mag-imbot sa di nila pag-aari. Ang mga kasangkapang ipahiram sa kanila ni Maria, palibhasa'y pawang ginto, kung kaya tikis nilang hindi ibinabalik. Bakit ang sama'y hindi lamang inaaangkin yaon ng iba, kundi ipinagpapalit pa sa mataas na halaga sa mga taga-ibang bayan. Sa gayon nang gayo'y nayamot si Maria. Tuloy nawika sa sariling: "Nag-iba na ang panahon."
Kaya pati pahintulot na iginawad niya upang malayang makapanguha ang sinuman ng madlang bungang kaphoy sa gubat ay kanyang binawi. Dahil sa pagmamalupit ng tao sa hayop ay ipinagbawal din niya ang pangangaso, ang paninilo ng mga manok-labuyo, at pamamana ng mga ibon. Kung ang kanyang utos ay sinusuway ng sinuman, ang ginagawa ni Maria'y pinagdidilim ang panahon at pinabubuho ang malakas na ulan; pinagugulong niya ng malalaking tipak na bato sa bundok, hinahagkis niya ng baliti ang pinawalang mababangis na kalabaw at nang manugis at lumikha ng matinding kidlat. Ang mga yao'y panakot lamang naman ni Maria upang ang mga mangangasong gumagambalang malabis sa katahimikan ng sakop niyang kagubatan ay magsilayo at umalis.