Ang Alamat Ng Olongapo

Noon ay may isang binata na solong namumuhay. Mayroon siyang malawak na lupain na kaniyang sinasaka. Marami ang tumu-tulong sa kanya tulad din ng pagtulong niya sa kanyang kapwa. Kinagigiliwan siya at iginagalang ng mga kabataan. Katunayan ay tinawag siyang Apo ng mga ito. Ang tunay niyang pangalan ay Dodong.

Sa di kalayuan ay may isang dalagang mayumi at maganda. Isa siyang tunay na Pilipina. Mahaba at mabango ang kaniyang buhok. Marami rin ang nabibighani sa kagandahan ni Nene. Sila ni Dodong ay matagal na ring kilala ang isa't isa ngunit walang puwang sa puso ng binata si Nene dahil sa agwat ng kanilang edad.

Nalipat ng tirahan sina Nene at ng kaniyang mga magulang. Hindi narin sila nagkikita pa ni Dodong. Isang hapon ay di sinasadyang nagkasalubong ng landas sina
Dodong at Nene. Dalagang-dalaga na si Nene at noon lang napansin ni Dodong ang iwing kagandahan nito, Binati ni Dodong si Nene at inalok na ihahatid niya ang dalaga. Siya naman ay pinaunlakan ni Nene.

"Tatang, nandito po si Apo. Dadalaw po siya sa inyo ni Nanang, ang masayang bungad ni Nene pagsapit sa kanilang tahanan.

"Aba, Dodong! Mabuti naman at napasyal ka rito sa amin," ang masayang bati ng ama ni Nene.

"kumusta na po kayo? Nahihiya nga po ako at hindi na ako nakakatulong sa bayanihan dito sa inyo," ang magalang na tugon ni Dodong.

"Naku, huwag mong alalahanin iyon, alam ko naman na solo ka lang namumuhay at ang iyong panahon ay naiuukol mo na lang sa iyong bukid. Pasabihan mo lang kami kung kakailanganin mo naman ang tulong sa iyong bukid," ang amuki ng tatang ni Nene.

"Marami pong salamat inyo! Hayaan po ninyo at tuwing Sabado ay dadalaw ako sa inyo para kahit kaunti ay makatulong din ako inyo," ang sagot ng binata.

Simula noon ay madalas nang magkita sina Dodong at Nene. Naging daan iyon upang magkalapit ang kani-kanilang damdamin. Hindi naman ito pinigilan ng mga magulang ni Nene dahil sa sila naman ay boto kay Dodong para sa kanilang dalaga.

Isang umaga, isang malaking bangka ang dumaong sa may baybay dagat. Ang sakay nito ay mga Kastilang lasing. Nakita nila si Nene at pormal na tinanong ang dalaga. Hindi naintindihan ni Nene ang sinasabi ng mga lasing na Kastilang mandirigma kung
kaya't ngumiti na lamang siya akala ng Kastila ay payag si Nene kaya niyapos niya ng yakap at halik ang dalaga. Sumigaw si Nene at humingi ng saklolo.

Agad namang tinawag ng mga tao si Apo upang ibalita ang pambabastos ng mga Kastila kay Nene. Nagdilim ang paningin ni Dodong. Sinugod niya ang mga Kastila at walang patumanggang lumaban siya. Sa kasamaang palad ay napatay si Dodong at upang huwag pamarisan ay pinugutan nila ng ulo si Dodong. Isinabit nila ang pugot na ulo ni Dodong sa isang tulos ng kawayan.

"Ulo ng Apo! Ulo ng Apo!" sigawan ng mga bata. Akala ng mga Kastila ay Ulo ng Apo ang pangalan ng pook na iyon. Sa kauulit ng salitang ulo ng Apo, naging Olongapo ito. Magmula noon ang pook na iyon ay tinatawag na Olongapo, ang pinakapusod at pinakamakulay na bahagi ng lalawigan ng Zambales.